03 May 2012

hiling

Lord, kakasimula pa lang po ng panibagong school year, at sasabihin ko po sa inyo na marami akong hiling.  Kung tutuusin dapat nung bakasyon ko pa 'to sinabi sa inyo pero may mga bagay po akong mas piniling unahin.  Hindi ko na rin po nagawang banggitin sa inyo kahapon na unang araw ng pasukan kasi po hindi kinaya ng aking katawan ang init ng panahon at apat na meetings.

Lumipas na rin po ang ikalawang araw ko sa posisyon, salamat at buhay po ako matapos ang buong araw na meeting.  Ilang araw ko na rin pong sinisilip ang kalendaryo ng Mayo at Hunyo, wala pong bakanteng kahon, ibig sabihin hindi pa ito ang huling araw na may ganitong pagpupulong.  Bago ko pa man malimutan ang punto ng aking liham ay ipapaalala ko sa inyo ang mga hiling ko.

  1. bukas po aalis na ang kapatid ko, sa Sabado naman po aalis na si Kuya at ang mga anak nya.  Maiiwan na naman po si Sofia na mag-isa sa bahay,  walang kalaro at aaasang pag-uwi ko may enerhiya pa akong natitira upang makipaglaro sa kanya.  Lord, alam kong alam mo na ang kasunod nito pero sasabihin ko na rin po.  Sana po magkaroon na ng kapatid si Sofia.  Alam ko pong mas marami pa pong ina na naghihintay na magkaroon ng kani-kanilang prinsipe at prinsesa.  Kung tutuusin marami rin po akong kaibigan na naghihintay ng sarili nilang mga anak.  Kaya po kasama ng panalangin ko, hinihiling ko rin po na magka-anak si Madel, Weng, Ann at Karen.  Si Ghe rin po humihiling din ng isa pa, pwede rin po bang isama nyo rin sya sa listahan nyo?
  2. Lord, unang taon ko sa posisyon.  Nangangapa po ako, hindi ko alam kung ano ba ang maaari kong ma-i-contribute sa departamento at sa komunidad ko, pero susubukan ko po ang lahat ng makakaya ko.  Gabayan nyo po ako na magawa ko ang mga trabaho ko at maging kapakipakinabang na myembro ng komunidad.  Isinasama ko na rin po sa mga panalangin ko na maalala ako ng mga boss ko na gabayan ako sa misyon na ito.
  3. sana po umayos na rin po ang pakiramdam ko.  marami po akong mga sakit-sakit na nararamdaman pero isinasantabi ko lang, sana mahanapan ko ng panahon na ikonsulta sa doktor.  Kung may gamot rin po sa katamaran sana po maibigay nyo rin po sa akin.
  4. Lord, hinihiling ko rin po na sana matupad na ang pangarap ko na magkaroon ng sariling bahay.    Isang bahay kung saan ako, si Jaime at Sofia ang nakatira.  Ang magawa namin ang mga bagay na ginagawa ng mga normal na pamilya.
  5. At sana po, mahanap ko na ang tunay na bagay na magpapaligaya sa akin.  Alam ko po na malabo po itong huling kahilingan ko, ngunit sa akin rin po ay malabo pa ang mga ito.  Siguro po unang hakbang pa lang na malaman ko kung ano ang gusto ko, pangalawa na ang magawa ko sila pagkatapos kong malaman kung anu-ano ito.
Pasensya na po sa abala.  Alam kong napakarami nito pero hindi naman po ako nagmamadali, kahit isa-isa po. O kung nais nyo po na isang bagsakan  lang, sino po ako para tumanggi.  basta po maghihintay ako. Lord, salamat po.